Emosyonal na nakiusap si Ariel Lim, Presidente ng National Public Transport Coalition (NPTC), sa pamahalaan na isantabi muna ang mga isyung pampulitika at pagtuunan ng pansin ang lumalalang krisis na kinakaharap ng mga biktima ng lindol sa Mindanao.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, hindi napigilan ni Lim ang maiyak habang inilalarawan ang kalunos-lunos na kalagayan sa General Santos at Sarangani.

Mariing binatikos ni Lim ang pagkakaabala ng gobyerno sa bangayan ng Senado at Kongreso, pati na ang mga usaping impeachment, habang marami sa kanyang mga miyembro ang nawalan ng kabuhayan at natatakot pang umuwi sa kanilang mga tahanan dahil sa trauma at matinding aftershocks.

--Ads--

Dagdag ni Lim na dapat isantabi muna ng Kongreso at Senado ang kanilang mga personal na interes, habang inilatag ang mga panawagan ng transport sector: hinihiling nila sa Department of Energy (DOE) ang subsidiya o “abono” sa krudo upang muling makabiyahe ang mga tsuper sa gitna ng mataas na presyo ng petrolyo.

Sa LTO at LTFRB, panawagan nila ang pagluluwag sa mga requirement at pansamantalang pagpapaliban ng bayarin sa renewal ng rehistro, prangkisa, at lisensya upang mapunta muna sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga tsuper ang kanilang kita.

Sa Department of Health (DOH), hinihiling ang pagpapadala ng mga psychiatrist o psychologist upang tugunan ang trauma ng mga bata at iba pang biktima.

At sa Armed Forces of the Philippines (AFP), nanawagan si Lim sa paggamit ng mga C-130 at helicopter para sa paghahatid ng tulong, dahil limitado ang biyahe ng mga eroplano patungong General Santos.

Bagama’t nagpasalamat si Lim sa inisyal na food packs mula sa LTO, binigyang-diin niyang “kulang na kulang” ang kasalukuyang tulong mula sa gobyerno. Dahil dito, nanawagan siya sa mga kapwa lider sa transportasyon sa buong bansa at sa publiko na magpaabot ng kahit anong donasyon—maging damit, kumot, o kahit pisong tulong para sa mga kasamahang “daig pa ang nasunugan” sa tindi ng pinsala.