Umabot sa 8,842 ang naitalang kaso ng influenza-like illness (ILI) sa Ilocos Region mula Enero hanggang Oktubre 2025, ayon sa Department of Health (DOH).
Ayon kay Dr. Glenn Soriano, US Doctor, Natural Medicine Advocate, maraming salik ang nag-aambag sa pagkalat ng ILI.
Kabilang dito ang siksikan sa tirahan, mahinang immune system, kakulangan sa pag-iingat sa pagkain, at labis na timbang o obesity.
Binanggit din niya na ang regular na ehersisyo ay makatutulong upang mapabuti ang resistensya.
Ang influenza-like illness ay isang uri ng viral syndrome na karaniwang kumakalat sa hangin (airborne).
Nagsisimula ito sa mga simpleng sintomas tulad ng runny nose, bahagyang ubo, at lagnat.
Ayon kay Dr. Soriano, mahalaga ang agarang pagpapacheck-up kapag nakakaranas ng mga sintomas upang mabigyan ng tamang gabay at paggamot.
Nagbigay din ito ng ilang paalala upang maiwasan ang pagkakahawa gaya na lamang ng pagsusuot ng facemask, pag-iwas sa matataong lugar, at regular na pag-disinfect ng paligid.
Naniniwala naman si Dr. Soriano na sa pamamagitan ng tamang pag-iingat at kaalaman tungkol sa ILI, maiiwasan ang pagkalat ng sakit at mapoprotektahan ang kalusugan ng publiko.










