DAGUPAN CITY- Tiniyak ng pamunuan ng Pangasinan Police Provincial Office (PPO) ang pagsunod sa human rights ng bawat motorista na dadaan sa mga checkpoint.
Ayon kay PCol. Rollyfer Capoquian, Provincial director ng naturang opisinan, na bago pa man ito simulan ay nagsagawa na sila ng pagpupulong at briefing upang masiguro ang tama at maayos na proseso sa pagsasagawa ng checkpoint sa mga nakatalagang kapulisan. Upang matiyak na walang malalabag na karapatang pantao sa kung sinuman ang kanilang masisita sa checkpoint kasabay sa pagsisimula ng election period.
Kaya naman nanawagan ito sa kooperasyon mga motorista para sa maayos na pagsasagawa ng checkpoint na sumunod sila sa mga alituntunin na ipinapatupad dahil para rin ito sa kaligtasan at seguridad ng bawat isa sa probinsya upang matiyak ang ligtas at mapayapang eleksyon.
Dagdag pa anya na ocular inspeksyon lamang ng kanilang gagawin, at kabialng sa kanilang inspeksyon ay ang pagbaba ng mga bintana ng inyong sasakyan, ihanda ang lisensya at ang rehistro ng iyong sasakyan at sa gabi ay buksan ang ilaw sa loob ng inyong sasakyan.
Gayundin, kasabay ng aktibidad ay ang mahigpit na pagpapatupad sa Election Gun Ban na pinaiiral upang maiwasan ang anumang krimen sa panahon ng halalan. Paalala nito sa mga motorista na huwag katakutan ang mga nakalatag na COMELEC Checkpoint sa mga kalsada kundi sumunod lamang at unawain ang kanilang mandato.
Anya na araw araw ang pagsasagawa ng kanilang checkpoint sa lahat ng bayan sa probinsya at posibleng maging dalawa o tatlo ito habang sa mga bayan na nakasailalim sa areas of concern ay magkakaroon ng karagdagang checkpoint.
Samantala, inihayag din ni PCOL Capoquian na nagsagawa na rin sila ng re-assignment sa mga kapulisan na may kamag-anak na tatakbo sa eleksyon.