Isinusulong ni Senate Energy Committee Chairman Erwin Tulfo ang pagpasa ng Senate Bill No. 2486 o ang Systems Loss Charge Removal Act.
Layunin ng panukala na alisin ang awtomatikong pagpasa sa mga consumer ng gastos mula sa system losses ng mga distribution utility at electric cooperative.
Binigyang-diin ni Tulfo na sa kasalukuyan, nagbabayad ang mga consumer hindi lamang para sa kuryenteng aktuwal nilang ginagamit, kundi maging sa kuryenteng nawawala bago pa ito makarating sa kanilang mga tahanan.
Kabilang sa tinatawag na non-technical system loss ang power pilferage, illegal connections, defective meters, poor maintenance, billing deficiencies at inefficient operations.
Sa ilalim ng panukala, ang Energy Regulatory Commission o ERC ang tutukoy kung aling gastos ang prudent, reasonable at necessary para sa mahusay na operasyon ng distribution system, sa halip na awtomatikong maipasa ang allowable system loss sa consumers.
Ayon kay Tulfo, layunin nitong mahikayat ang mga utility na pigilan ang pagnanakaw ng kuryente, ayusin ang mga metro, palitan ang lumang kagamitan at pagbutihin ang serbisyo.
May transition period na hanggang tatlong taon upang bigyan ng panahon ang ERC at mga distribution utility sa pagpapatupad ng mga pagbabago.
Samantala, kinilala rin ni Tulfo ang kamakailang hakbang ng Bureau of Internal Revenue o BIR na alisin ang VAT sa system loss charge.
Aniya, dapat mapunta sa mas mahusay na serbisyo at pasilidad ang pagsisikap na mabawasan ang system losses sa halip na patuloy itong ipasa sa mga consumer.










