DAGUPAN CITY – Posibleng gawing state witness si dismissed Bamban Tarlac Mayor Alice Guo ito ay matapos niyang sabihin na hindi siya ang mastermind sa sinalakay na ilegal na Philippine Offshore and Gaming Operators (Pogo) sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga dahil isa lamang siyang biktima.
Kaugnay nito ay pinagbigyan ng komite ang kahilingan ni Guo na magkaroon ng executive session upang doon niya sagutin ang mga tanong na hindi niya masagot sa public hearing.
Ayon kay Atty. Joseph Emmanuel Cera Constitutional/Street Lawyer na pwedeng makapagbigay ng impormasyon at ebidensiya si Guo para sa mga ‘mas guilty’ sakanya upang malaman ang mga malalaking personalidad sa likod nito.
Aniya na magiging daan ito upang matukoy ang mga may kinalaman sa ilegal na operasyon ng POGO sa bansa sakaling papayag siyang aminin ang lahat ng kaniyang nalalaman.
Subalit dapat ay maging handa ang kinauukulan sa seguridad ni Guo upang hindi ito masaktan lalo na ang mga banta sa kanyang buhay.
Samantala, pagbabahagi ni Atty. Cera na halos lahat ng mga malalaking kaso na nai-file ng ombudsman sa sandigan bayan ay nag-uumpisa sa House of Representatives o di naman kaya sa Senado in aid of legislation at itinutuloy naman ito sa Department of Justice kung saan ang imbestigasyon ay mas nagiging madali na dahil marami na ang nakalap o naipresentang mga ebidensiya.
Ang mga susunod naman na mangyayari kaugnay dito ay nakabatay sa kung ano ang isisiwalat ni Guo dahil kapag may mga sinabi itong mga personalidad ani Cera na isasubpoena ang mga ito.