DAGUPAN CITY- Labis na nagpapasalamat si Atty. Gerald Velasco, legal counsel ni Mayor Calugay, sa buong suporta ng mga taga-Sual kay Mayor Liseldo “Dong” Calugay matapos hindi na maisilbi ang suspensyon nito.

‎Aniya, ang kanilang walang sawang pagtangkilik at paniniwala sa liderato ng alkalde ay nagsisilbing lakas at inspirasyon sa kanilang patuloy na paglilingkod sa bayan.

Matatandaan na noong Mayo 5, 2025, inisyu ng Office of the Ombudsman ang tatlong buwang suspensyon kay Mayor Liseldo “Dong” Calugay at sa kanyang Executive Assistant na si Cheryl Medina, kaugnay ng kasong simple misconduct na may kinalaman sa fish cage application ni Medina.

Ayon sa Ombudsman, kulang ang mga kinakailangang dokumento sa nasabing aplikasyon, kabilang na ang Environmental Compliance Certificate at iba pang mga permit mula sa mga ahensya ng gobyerno.

Subalit, sa kabila ng nasabing desisyon, iginiit ng legal team ni Mayor Calugay na walang legal na basehan ang suspensyon.

--Ads--

Ayon sa kanilang pahayag, ang Omnibus Election Code, partikular ang COMELEC Resolution 11059, ay nagbabawal sa suspensyon ng mga halal na opisyal mula Enero 12 hanggang Hunyo 11, 2025, na siyang tinatawag na election period.

Dahil dito, iginiit nila na hindi maaaring ipatupad ang suspensyon sa nasabing panahon.

Bilang tugon, naghain ang legal team ni Mayor Calugay ng petisyon sa Korte Suprema upang humiling ng temporary restraining order at writ of preliminary injunction laban sa implementasyon ng suspensyon.

Ayon kay Atty. Gerald Velasco, legal counsel ni Mayor Calugay, patuloy nilang ipaglalaban ang karapatan ng alkalde at ng kanyang mga kababayan sa Sual.

Samantala, nilinaw ni Velasco na mananatili si Mayor Calugay sa kanyang tungkulin bilang alkalde ng Sual at wala umanong bakante sa mayor’s office o sa madaling salita walang acting mayor na uupo sa bayan kundi ang kasalukuyang alkalde.