DAGUPAN CITY — Hindi maiiwasan ang suspensyon ng face-to-face classes dahil sa sobrang init.
Ito ang naging pahayag ni Rep. France Castro ng Alliance of Concerned Teachers Partylist nang hingan siya ng Bombo Radyo Dagupan ng reaksyon kaugnay sa naturang usapin.
Aniya na hindi rin magiging makabuluhan ang pagpasok ng mga mag-aaral sa mga eskuwelahan kung hindi rin makakapag-focus, nagkakasakit, at nahihilo ang mga estudyante, habang nakakaranas naman ng mga komplikasyon ang mga guro gaya ng hypertension, at iba pang mga sakit dahil sa matinding init ng panahon.
Kaya naman nararapat lamang na magkaroon ng suspensyon sa physical classes upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral at mga kaguruan sa bansa lalo na sa mga lugar na nakakaranas ng mapanganib na heat index.
Saad nito na ang tanging naging solusyon na rin ng Kagawaran ng Edukasyon ay ang pagbibigay ng discretion sa mga Schools Division Office o kapangyarihan sa mga Punong Guro na kanselahin ang face-to-face classes sa panahon ng matinding init lalo na’t magkakaiba ang naitatalang temperatura sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Dagdag pa nito na bagamat perennial ito dahil tropical country ang Pilipinas, nararanasan ito ngayon ng kaguruan at mga mag-aaral dahil may pasok sa mga buwan ng Abril at Mayo.
Kaya naman ay kinakailangan na mas bilisan pa ng Kagawaran ng Edukasyon ang pagtugon sa libu-libong backlogs sa kakulangan ng mga silid-aralan sa bansa nang sa gayon ay may magamit na maayos na pasilidad ang mga mag-aaral at gayon na rin ang pagdaragdag pa ng mga bentilasyon sa mga paaralan.