DAGUPAN CITY — Inihahanda na ng kapulisan ng bayan ng Lingayen ang mga isasampang kaso laban sa natukoy na suspek sa tinitingnang posibleng panghahalay at pamamaslang sa isang 21-anyos na college student sa nasabing bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PLt.Col. Vicente Castor, Jr., Chief of Police ng Lingayen Municipal Police Station, sinabi nito na sa kanilang pagpupurisigi at sa tulong ng mga nakasaksi ay natukoy nila ang pagkakakilanlan ng suspek na pinangalanang Alyang “Jesse” na sa ngayon ay nasa kustodiya na ng kapulisan.
Aniya na batay sa salaysay ng isa sa mga nakasaksi, napansin nito ang suspek na tila naghihintay sa sulok bago nangyari ang insidente at malapit sa pinangyarihan ng krimen. Kasunod ito ng pagkakatagpo ng isang mangingisda sa biktima na palutang-lutang sa isang bahagi ng palaisdaan sa Sitio San Gabriel, Brgy. Balangobong sa bayan ng Lingayen, at wala ng saplot sa pang-ibabang bahagi ng kanyang katawan.
Sa kanilang imbestigasyon, kanilang napagalaman na noong Sabado ay patungo sana ang biktima sa bahay ng kanyang lola upang samahan ito dahil mahina na ang matanda, subalit hindi umano ito nakarating sa lugar. Kinahapunan ng sumunod na araw ay natagpuan na ang biktima, sinubukan pa itong dalhin sa pagamutan subalit idineklara na ring walang buhay.
Samantala may mga narekober din umano silang mga ebidensya gaya na lamang ng ibang mga kasuotan ng biktima at ang cellphone nito na itinago ng suspek sa isang parte malapit sa kanyang tahanan.
Sa kanila namang pakikipag-usap sa suspek ay napagalaman nilang naroroon ang kanyang motibo dahil matagal na umano itong may pagtingin sa biktima, at ito ay natukoy sa tulong naman ng Rural Health Unit at ng Scenes of Crime Officers.
Maliban dito ay lumalabas din sa kanilang follow-up investigastion na nakikipag-inuman umano ang suspek sa dalawang witness, subalit nauna na umano itong nagpaalam. Nagtutugma naman aniya ang pagalis ng suspek sa pagdaan ng biktima sa lugar kung saan nangyari ang insidente.
Tinitingnan naman nila ang posibilidad na maaaring inabangan na talaga ng suspek ang biktima dahil routine na nito ang pagpunta sa bahay ng kanyang lola sa mga oras na iyon.