Dagupan City – Nakumpiska ng mga awtoridad ang 6.10 gramo ng hinihinalang shabu at naaresto ang isang 20-anyos na lalaki matapos umano nitong tangayin ang isang pitaka sa Brgy. Gomez, sa bayan ng Malasiqui.
Ayon sa imbestigasyon, bandang 3:30 PM nang pasukin ng suspek ang bahay ng biktima, isang 20-anyos na technician, at dalhin ang pitakang naglalaman ng P684.
Agad na hinabol ng complainant at ng kanyang kapatid ang suspek hanggang sa kanilang pagkakaaresto.
Iniulat sa Malasiqui Municipal Police Station ang insidente at rumesponde ang mga pulis, at dumating ang mga ito sa pinangyarihan ng insidente kasama ang mga barangay opisyal.
Nabawi naman ng complainant ang ninakaw na pitaka mula sa suspek.
Sa isinagawang body search ng rumespondeng PNP personnel, natagpuan ang isang kitchen knife sa bewang ng suspek at dalawang heat-sealed plastic sachets na may tinatayang 6.10 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na P41,480.
Isinagawa ang on-site inventory at pagmamarka ng mga nakuhang ebidensiya sa harap ng mga kinakailangang testigo at ng mismong suspek.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Malasiqui MPS ang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensiya para sa wastong disposisyon.










