Sinampahan at haharap sa kasong murder ang isang lalaki matapos nitong gilitan ng leeg at pagsasaksakin sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang kanyang live-in partner sa Sitio Guesang, Brgy. Domalandan West, sa bayan ng Lingayen, Pangasinan.


Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PMaj. Ria Tacderan, ang siyang tumatayong Public Information Officer ng Pangasinan Police Provincial Office, sinabi nito na kinilala ang suspek na si Robert Rod Navarro, 42-anyos, at ang biktima na si Jeniffer Ingalla, 45-anyos.


Lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng kapulisan na lango sa alak ang suspek nang magkaroon ito at kanyang kinakasama ng pagtatalo na nauwi naman sa karumal-dumal na krimen. Saad ni Tacderan na gumamit ang suspek ng kitchen knife na may habang 6 to 8 inches sa pang-gigilit at pananaksak sa biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan nito. Naitakbo pa sa Lingayen District Hospital ang biktima subalit kaagad din itong idineklarang dead on arrival.

--Ads--


Narekober naman ng kapulisan ang patalim na ginamit ng suspek sa krimen. Hindi naman na ito pumalag pa ng arestuhin ito ng mga otoridad. Nakikita naman nila na matinding galit ang nagudyok at naging motibo ng suspek sa pagpaslang sa biktima.


Nananawagan naman ang kapulisan sa mga magkarelasyon na ang sobrang pagmamahal ay hindi rin maganda, at kung mayroon mang mga hindi pagkakaunawaan sa isang relasyon ay maaari naman itong idaan sa maganda at maayos na pag-uusap.