Patuloy pa rin ang paghahanap sa isang lalaki na nagkunwaring pulis at namaril sa dalawang mambabatas ng Democratic–Farmer–Labor Party at sa kanilang mga asawa sa kanilang mga tahanan sa north metro, sa isang insidenteng itinuturing ng mga opisyal bilang isang sinadyang atakeng pulitikal.

Nasawi sina House Speaker Emerita Melissa Hortman, 55 anyos, isang Democrat at ang kanyang asawang si Mark dahil sa kanilang mga tinamong sugat matapos barilin sa Brooklyn Park, malapit sa Minneapolis, habang nasa maayos nang kalagayan sina State Senador John Hoffman,60, isa ring Democrat at ang kanyang asawang si Yvette matapos sumailalim sa operasyon sa isang ospital sa Coon Rapids.

Nag-aalok na ngayon ang FBI ng $50,000 gantimpala para sa pagkakahuli ng hinihinalang salarin na si Vance Boelter, 57 taong gulang.

--Ads--

Ayon sa pulisya, ang suspek ay nagpapanggap bilang isang opisyal ng kapulisan.

Nagsilbi si Boelter sa workforce development board ng estado kasama si Hoffman, na isang senador ng estado, ngunit patuloy pa ring iniimbestigahan kung personal ba niyang kilala ang alinman sa dalawang politiko.

Ayon sa pulisya, ginamit ni Boelter ang isang pekeng badge at uniporme upang makapasok sa mga bahay ng mga biktima.

Nagkaroon ng palitan ng putok sa pagitan ng pulisya at ng suspek sa bahay ni Hortman, ngunit siya ay nakatakas.

Ayon kay Brooklyn Park Police Chief Mark Bruley, kasalukuyang nagsasagawa ng malawakang manhunt ang pulisya katuwang ang FBI, SWAT, at daan-daang mga pulis.