DAGUPAN CITY- Kinumpirma na Dagupan City PNP na nasa pangangalaga na nila ang suspek sa pagpatay sa isang 18-anyos na dalaga na natagpuang nakababa na ang panloob na kasuotan sa isang madamong bahagi sa Bonuan Blue Beach Subdivision dito sa lungsod ng Dagupan.

Lasenggero at may record na sa kapulisan ang suspek sa insedente. Sa follow up operation ng kapulisan ay naaresto ang di pa pinapangalanang suspek sa bayan ng Mangatarem kung saan ito nagtago matapos isagawa ang krimen.

Inamin na rin umano ng suspek na siya ang nasa likod ng pagpatay sa biktima .

--Ads--

Base pa sa nakalap na impormasyon ng kapulisan marami daw reklamo laban sa suspek sa kanilang lugar kung saan may mga hinahabol pa daw itong mga kababaihan at gumagawa ng ilang kabastusan.

Sa eksklusibong namang panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Lt. Col. Abubacar Mangelen Jr., bagong talagang hepe ng Dagupan PNP, sinabi nito na ikinokonsidera na nilang solved ang kaso dahil mayroon na silang hawak na testigo na nagtuturo sa suspek.

Sa kanila ring ginagawang imbestigasyon, nakakuha sila ng CCTV footage kung saan makikita ang biktima at suspek habang papalayo sa crime scene. Nagtutugma umano sa pahayag ng mga testigo ang nakita sa cctv.

Ayon pa kay Mangelen, alas otso y media ng gabi ng June 15 naireport sa kanilang himpilan na nawawala ang biktima kaya agad silang umaksyon para mahanap ito ngunit alas diyes ng umaga kinabukasan natagpuan na ang bangkay nito.


Dito na aniya sila nagsagawa ng full blown investigation na naging susi para makakuha sila ng dalawang testigo.

Sinabi pa ng opisyal na naninirahan malapit sa pinangyarihan ng insidente ang suspek at hindi residente ng naturang subdivision.