DAGUPAN, CITY— Nahuli na ng Mangaldan PNP dito sa lalawigan ng Pangasinan ang suspek sa pagnanakaw ng mga alahas at pera ni Department of Transportation (DOTR) Assistant Secretary Goddes Hope Libiran sa kanyang bahay matapos magpaturok ng booster shot laban sa COVID-19.
Ayon sa Mangaldan PNP, kahapon Jan. 12 mga bandang alas tres ng hapon, nakatanggap ng tawag ang himpilan ng Mangaldan PNP mula sa mga concerned citizen na di umanoy isang babae ang involve sa kaso ng pagnanakaw.
Nang ito’y kanilang ma-beripika, nakilalang ang suspek na si Marilou Fernandez, 55 taong gulang na kasambahay ni ASec Libiran na tubong barangay Gueguesangen.
Ayon kay Libiran, laking pasasalamat niya sa naturang himpilan na nahuli ng naturang tanggapan ang suspek.
Aniya, ilang araw din umanong nagtago ang suspek kung saan una itong nakita sa Cavite, hanggang sa ito ay naaresto sa kanyang bayan dito sa Pangasinan matapos ang ilang araw na paghahanap.
Bilib din umano siya sa galing ng netizens sa pagtugon sa kanyang naunang post ukol sa pagkawala ng kanyang mga alahas at pera kung saan nakatulong ito sa pagtunton ng kanyang kasambahay.
Matatandaang nagsampa na ng naturang kaso si ASec Libiran laban sa suspek sa Pampanga noong Enero 11.
Maliban dito natuklasan na ang suspek ay mayroon na ding pending warrant of arrest na inisyu ng RTC sa Biñan City, Laguna mula sa kasong robbery.