Arestado ang isang suspek sa syudad ng Dagupan hinggil sa pagbebenta ng mga registered sim card.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Plt. Sharmaine Jassie D. Labrado Team Leader, Pangasinan Provincial Cyber Response Team matapos ang kanilang isinagawang entrapment operation ay dito na naaresto ang suspek na tinatayang nasa higit 20-anyos na ang edad.
Dahil sa regular nilang pagpapatrolya sa cyberspace ay nakita nila sa marketplace sa social media ang nasabing gawain ng suspek na siya namang nag-ooffer sa pagbebenta ng registered sim card.
Lumabas din na hindi alam ng mga bumibili na iba palang mga impormasyon ang nakarehistro sa kanilang ginagamit o nabiling sim card.
Ibenibenta naman ng suspek ang mga ito sa halagang P35 ang bawat isa kung saan nasa 100 piraso ng alleged registered sim cards ang nakuha sakanya.
Samantala, hindi ito ang unang pagkakataon na may parehong insidenteng nangyari sa lalawigan bagkus ito na ang pangatlong pangyayari.
Patuloy naman ang kanilang isinasagawang imbestigasyon upang masakote ang mga nagbebenta o mastermind sa pagsasagawa ng ilegal na aktibidad.
Paalala naman nito sa publiko na ingatan ang lahat ng kanilang impormasyon at huwag ito basta-bastang ibibigay sa ibang mga tao lalo na sa sim card registration dahil maaari itong gamitin sa maling aktibidad.