BOMBO DAGUPAN – Patuloy na pinaghahanap ng mga otoridad ang suspek sa pananaksak sa isang OFW sa isang lugawan sa kahabaan ng national highway ng Brgy Tempra-Guilig, sa bayan ng San Fabian dito sa lalawigan ng Pangasinan.

Ayon kay PLT.Col.Danilo Perez, OIC ng San Fabian PNP , kinilala ang biktima na si Gio Juguilon, 27 anyos at residente ng Brgy Bolasi, San Fabian.

Sa kanilang imbestigasyon ang biktima kasama ang isang menor de edad at dalawang iba pa ay nagtungo sa nasabing lugawan para kumain nang bigla may dumating na hindi nakikilalang suspek na may kasamang tatlong iba na isa ay menor de edad at residente ng Brgy. Sobol, San Fabian.

--Ads--

Sinasabing nagkatitigan ang dalawa na nagresulta sa mainitang argumento hanggang sa sinabuyan umano ng lugaw ng suspek ang biktima at saka sinaksak.

Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang suspek at mga kasama nito lulan ng motorized tricycle.

Agad namang dinala ang biktima sa ospital.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon at paghahanap sa suspek.