Arestado ang isang 40-anyos na lalaki matapos pagbantaan ang kaniyang dating kasintahan na ikakalat nito ang kanilang maseselang video kung hindi siya papayag na muling makipagkita.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PCPT. Sharmaine Jassie D. Labrado Leader, Pangasinan Provincial Cyber Response Team ayon sa salaysay ng 18 anyos na biktima, nakarelasyon niya ang suspek noong nakaraang taon sa loob ng tatlong buwan matapos silang magkakilala online.

Sa kabila ng kanilang naging ugnayan, nauwi ito sa hiwalayan.

--Ads--

Ngunit ayon sa biktima, hindi tinanggap ng lalaki ang kanilang paghihiwalay at nagsimulang manakot gamit ang mga sensitibong video na nasa kanyang pag-iingat.

Ani Labrado nag-ugat ang reklamo sa umano’y pananakot ng suspek na ipopost sa social media ang pribadong video ng biktima kung hindi siya makikipagkita muli.

Bilang kondisyon, ipinangako ng suspek na buburahin ang video kung muling makikipagkita ang biktima sa kanya.

Dahil sa takot, lumapit ang biktima sa mga awtoridad, dahilan upang agad isagawa ang isang entrapment operation.

Naganap naman ang operasyon sa isang inn sa syudad ng Urdaneta kung saan napagkasunduang magkita ang suspek at biktima.

Ngunit bago pa man may mangyari, agad sinalakay ng mga operatiba ang silid kung saan naaktuhan ang suspek na hubo’t hubad, at agad siyang inaresto.

Ayon sa pulisya, nahaharap ngayon ang suspek sa mga kasong Grave Coercion sa ilalim ng Revised Penal Code, paglabag sa RA 9262 o Violence Against Women and Their Children (VAWC), at RA 10175 o Cybercrime Prevention Act.

Dahil ginamitan ng teknolohiya ang pananakot, mas mataas naman ang parusang kakaharapin ng suspek, kung mapapatunayang nagkasala.

Sa kasalukuyan, ay nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek at naghihintay ng inquest proceedings.

Nagpaalala naman ang mga awtoridad na hindi dahilan ang pagiging magkarelasyon upang payagan ang pagpapadala o pagkuha ng maseselang video.

At kung may nangyayaring ganito ani Labrado ay huwag matakot magsumbong sa pulisya upang mabigyan ng agarang aksyon.