DAGUPAN CITY– Nilinaw ng Laoac PNP na walang anumang record ng pagkakasangkot sa illegal na droga ang lalaking ginilitan ng leeg ang 3 katao na kalaunan ay ginilitan din ang sarili sa nabanggit na bayan.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Police Capt. Mark Ryan Taminaya, chief of police sa bayan ng Laoac, walang anumang kasong kinasangkutan ang suspek na may kaugnayan sa illegal na droga.

Lumalabas sa imbestigasyon na may mabigat na problema ang suspek na si Nestor Untalan dahil napag alaman na tatlong araw na itong hindi nakakatulog.

--Ads--

Katunayan, napagkakamalan daw niya ang isang kahoy bilang ahas.


Nasambit rin niya na may tao na gustong pumatay sa kanya.

Napag alaman na hindi naman nasaktan ang dalawa niyang mga anak dahil sila ay nakapagtago.

Nang marinig nila ang sigawan sa loob ng bahay ay agad nang tumawag ang mga kapitbahay sa pulis.

Lumabas pa umano ng bahay ang suspek at naghamon sa kanyang mga kapitbahay.

Saktong dumating ang mga pulis kaya napigilan ang suspek pero pinatay din ang kanyang sarili.

Pinaniniwalaan na hindi nakayanan ang kanyang dinadalang problema.

Police Capt. Mark Ryan Taminaya, Chief of Police -Laoac PNP

Matatandaan na ginilitan sa leeg ng suspek ang asawa na si Mae Untalan, ina na si Rema Untalan at isang babaeng bedridden na naninirahan sa kanilang tahanan na nakilalang si Rosita Tanggo gamit ang chopping knife.

Matapos mapatay ang mga ito ay ginilitan din ang sarili.

Napag-alaman na sugatan ang dalawang iba pa nakilalang sina Gerardo Tadena at Anthony Pastor na tutulong sana sa mga biktima matapos silang habulin ng suspek.