DAGUPAN CITY- Pumalo na sa 5,160 suspected cases ng Hand, foot, & mouth disease sa Region 1, batay sa datos mula January 2025-2026.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Rheuel Bobis, Medical Officer IV ng Center for Health Development Department of Health (DOH) Region 1, mas mataas ito kumpara noong 2024 na umabot lamang ng 428 ang suspected cases.

Batay sa kanilang surveillance, walang naitalang pagkasawi sa rehiyon sapagkat madalang din na umabot ito sa pagkasawi.

--Ads--

Ayon kay Bobis, madalas tumaas ang mga kaso nito sa tuwing pagsapit ng tag-ulan at nakakapagtala rin sa tuwing pagbubukas ng paaralan.

Ang Hand, Foot, and Mouth Disease ay isang viral disease na dala ng isang virus na nagdudulot ng pag-ubo at sipon, lagnat, sore throat, at masasakit na mouth sore at rushes sa kamay at paa.

Aniya, madalas itong makuha sa mga respiratory droplets mula sa mga paghatsing at pag-ubo.

Paalala naman niya sa publiko na magsuot ng facemask sa tuwing pupunta sa mataong lugar at ang parating pagdala ng hand sanitizers.

Mahalaga rin aniyang palakasin ang resistensya sa pamamagitan ng regular na pag-ehersisyo.

Sa kabilang dako, ibinahagi ni Bobis ang pagpalo sa 12,915 ang kaso ng Influenza-like illnesses sa rehiyon.

Aniya, mas mababa ito ng bahagya kumpara sa nagdaang kaso.

Gayunpaman, pagdating naman sa Super Flu ay wala pang naitatalang kaso.

Binigyan halaga niya ang pagbabakuna upang mapalakas pa ang panlaban ng katawan.

Malakas din na proteksyon ang pagpapaturok ng flu vaccine, lalo na sa mga matatanda.

Kaniya rin ipinaalala ang pag-isolate upang maiwasan ang paghawa sa ibang tao.

Maaari naman aniyang gumamit ng facemask upang madepensahan ang sarili.