DAGUPAN CITY- Pinalakas ng Department of Trade and Industry (DTI) ang suporta nito sa micro, small, and medium enterprises (MSMEs) sa pamamagitan ng isang trade fair na nagsisilbing pangunahing plataporma para maipromote ang lokal na mga produkto at direktang matulungan ang mga negosyante at magsasaka.

Ayon kay Merlie Membrere, Regional Director ng DTI Region 1, mahalaga ang trade fair bilang konkretong halimbawa ng matibay na partnership at kolaborasyon ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, lokal na pamahalaan, at pribadong sektor upang mapabilis ang pagpapatupad ng mga programa para sa MSMEs.

Ipinakita rin sa aktibidad ang epektibong ugnayan ng mga katuwang na institusyon at ang pagtanggap ng mga lokal na komunidad, dahilan upang maulit at mapalawak pa ang ganitong inisyatiba.

--Ads--

Aniya, napatunayan na ang sistemang ginagamit sa produksyon at pagmemerkado ng mga produkto ay maaasahan at pasado sa pamantayan, kaya’t nagiging madali ang pakikipag-ugnayan at kooperasyon ng lahat ng kalahok.

Dagdag pa ni Membrre, direktang nakikinabang ang mga MSMEs sa trade fair dahil minimal lamang ang idinadagdag na presyo sa kanilang mga produkto, tinatayang hindi lalampas sa 10 porsiyento.

Dahil dito, nananatiling abot-kaya ang presyo kumpara sa mga produktong mabibili sa labas, habang nananatiling competitive sa merkado.

Nilinaw din na ang ganitong programa ay hindi lamang para sa promosyon ng produkto kundi isang tuwirang paraan ng pagtulong sa mga lokal na magsasaka at MSMEs, dahil direkta ang bentahan at kita ay napupunta mismo sa mga producer.

Sa ganitong paraan, nawawala ang pangamba ng mamimili sa mahal na presyo sa mga trade fair, habang mas napapalakas ang lokal na ekonomiya at kabuhayan.