DAGUPAN CITY- Muling bumisita sa lalawigan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang pangunahan ang serye ng mga programang nakatuon sa pagpapalakas ng agrikultura at turismo sa lalawigan ng Pangasinan.
Kabilang sa mga proyekto ay ang Sky Garden sa lungsod ng Alaminos, na layong pasiglahin ang turismo, maghatid ng mas marami pang bisita, at lumikha ng mga bagong trabaho para sa mga lokal na residente.
Isa rin sa mga pangunahing aktibidad ng pangulo ang pangunguna sa groundbreaking ceremony ng Paitan Dam, bahagi ng Lower Agno River Irrigation System.
Ang proyektong ito, na nagkakahalaga ng P950 milyon, ay nakatakdang magbigay ng irigasyon sa higit 12,000 ektarya ng sakahan sa Pangasinan, Tarlac, at Nueva Ecija.
Bukod dito, isinagawa rin ang pamamahagi ng makinaryang pansakahan, farm inputs, at iba pang uri ng suporta para sa mga magsasaka ng Pangasinan.
Layunin ng mga programang ito na mapalakas ang kabuhayan ng mga nasa sektor ng agrikultura sa gitna ng mga hamong kinakaharap nila.
Nagpaabot naman ng pasasalamat si Governor Ramon “Mon-Mon” Guico III sa pangulo para sa kanyang patuloy na atensyon at suporta sa lalawigan, lalo na sa mga magsasaka.