DAGUPAN CITY- Dapat na bigyang pansin ng pamahalaan ang suporta sa mga magsasaka dahil sa patuloy na pagbagsak ng presyo ng palay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Engr. Rosendo So, Chairman ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), kanyang binigyang-diin ang pangangailangan ng konkretong aksyon mula sa Department of Agriculture (DA) upang masolusyunan ang bumababang presyo ng palay at mahikayat ang mga magsasaka na magtanim muli.
Aniya, kitang-kita ang malaking lugi ng mga magsasaka sa kasalukuyang kalagayan ng merkado, at kung hindi maaaksyunan ng pamahalaan, maaaring mawalan ng gana ang mga magsasaka sa pagtatanim.
Dagdag niya, dapat pag-aralan ng DA kung dapat bang itaas ang taripa sa imported na bigas upang maprotektahan ang lokal na produksyon.
Tuloy-tuloy pa rin kasi ang epekto ng importasyon sa sitwasyon ng lokal na merkado.
Samantala, bahagyang tumaas ang presyo ng baboy mula sa dating P308–P350 kada kilo, ngayon ay umaabot na sa P380–P400.
Isa sa mga dahilan ay ang muling pagtaas ng mga kaso ng African Swine Fever (ASF) sa ilang lugar sa bansa.
Habang may local produce pa rin, nananatili rin ang presensya ng inaangkat na karne, bagay na patuloy na nag-aapekto sa mga lokal na hog raisers.