Ipinahayag ni Manaoag Mayor Jeremy “Doc Ming” Rosario ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa walang sawang suporta ng Provincial Government ng Pangasinan, sa pamumuno ni Gov. Ramon “Monmon” Guico III, para sa pagpapalago at pagpapaganda ng kanilang bayan bilang isang pangunahing destinasyon ng turismo.
Ayon kay Mayor Rosario, malaking tulong ang inisyal na 100 milyong pisong tulong ng probinsya na inilaan para sa proyekto ng highway o alternate route papuntang Pozorrubio, Binalonan, at Baguio.
Aniya, mapapabilis nito ang access ng mga turista at mamamayan na dadako sa bayan ng Manaoag.
Pinuri rin ni Mayor Rosario si Gov. Guico bilang isang visionary leader dahil sa mga planong mga proyekto hindi lang sa ngayon kundi sa hinaharap para sa Manaoag, kabilang ang intermodal bus terminal, multi-level parking, convention center, at pagsasaayos ng mga pwesto ng vendors.
Dagdag pa niya, malaki ang maitutulong nito sa pagpapalakas ng ekonomiya ng bayan sa pamamagitan ng magandang Public Market lalo na sa pagtatampok ng mga produktong ipinagmamalaki ng lalawigan.
Bukod pa rito, kasalukuyang ginagawa rin ang isang Pasalubong Center sa harapan ng munisipyo, malapit sa simbahan, sa tulong nina Cong. De Venicia.
Sinabi pa ni Mayor Rosario na ang suporta ng probinsya ay mahalaga sa pagpapanatili at pagpapalawak ng mga pasilidad at atraksyon sa Manaoag, lalo na ang Our Lady of Manaoag Shrine, na isang sentro ng pananampalataya at debosyon.
Ang pagkakaroon ng mas modernong pasilidad at mas malawak na marketing ay makahihikayat ng mas maraming turista upang maranasan ang ganda at kultura ng Manaoag.
Binigyang-diin ni Mayor Rosario ang potensyal ng Manaoag bilang isang Tourism Hub, kaya naman bukas ang kanilang lokal na pamahalaan sa pakikipagtulungan sa lahat ng alkalde sa Pangasinan para sa pag-promote ng kani-kanilang mga produkto at turismo.
Magdudulot ito ng positibong epekto sa ekonomiya at kabuhayan ng mga residente dahil layunin nito na sabay-sabay na mapalakas ang ekonomiya ng buong lalawigan.
Umaasa ang lokal na pamahalaan ng Manaoag na mas makikilala at matutulungan pa ang mga residente ng Pangasinan sa patuloy na suporta ng provincial government dahil sa pagpapalawak ng mga programa para sa turismo, kultura, at kabuhayan.










