Sapat ang suplay ng karne ng baboy at manok na ibinibenta dito sa bansa.
Ito ngayon ang siniguro ng National Meat Inspection Service o NMIS Region 1 sa publiko sa kabila na rin ng banta ng African swine fever (ASF).
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jorge Bacani Jr., Senior Meat Control Officer ng NMIS Region 1, sinabi nito na kaya pang suplayan ng mga hog raisers ang pangangailangan ng publiko lalo na sa demand ng karne ng baboy at baka.
Bagama’t nakakaranas ng pabago bagong presyo sa kasalukuyan, sinabi ng opisyal na malabo umano ang ideya ng pagdoble ng presyo nito sa mga susunod na buwan. Nasa ‘producers’ kasi aniya ang desisyon kung magkano ang ipapataw na presyo sa mga karne ng baboy at manok.
Samantala, bukod sa pagbabantay sa presyo, bibigyan pansin din umano ng NMIS Regiun I ang mga proseso na magpapabilis sa paghatid ng produktong baboy sa mga konsyumer.