Dagupan City – Apat na poultry buildings ang natupok sa naganap na sunog sa Barangay Macayug nitong Martes ng gabi, na pinaniniwalaang nagsimula dahil sa electrical short circuit batay sa paunang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP), MDRRMO, at barangay officials.

Ayon sa nakalap na impormasyon, napansin umano ng isang staff ang pagtilamsik ng spark sa unang gusaling nasunog.

Inakala pa noong una na may isinasagawang welding, subalit kalaunan ay lumabas na nagmula ito sa depektibong electrical wirings na naging sanhi ng pagliyab ng apoy.

--Ads--

Ang mga gusaling nasunog ay wala umanong lamang manok at ginagamit para sa renovation.

Ang apat na gusali ay pawang conventional poultry buildings na gawa sa kahoy, nipa, at net, dahilan upang mabilis na kumalat ang apoy.

Mula sa unang gusali, agad na nadamay ang iba pang katabing istruktura hanggang sa tuluyang matupok ang apat na magkakahilerang poultry buildings.

Sa kabuuan, anim na gusali ang magkakatabi sa lugar, subalit dalawang gusali ang nailigtas dahil sa maagap na pagresponde ng mga awtoridad.

Ayon kay Brgy. Kagawad Alexa Apostol, naganap ang sunog bandang alas-7:00 hanggang alas-7:30 ng gabi at inabot ng humigit-kumulang tat
long oras bago tuluyang makontrol ang apoy.

Bandang alas-10:30 ng gabi ay fire under control na ang insidente, bagamat may ilan pang mga kahoy na patuloy na nagliliyab sa loob ng nasunog na lugar.

Agad na rumesponde ang BFP San Jacinto sa insidente at humingi ng karagdagang tulong mula sa mga kalapit na bayan.

Nakiisa rin sa operasyon ang BFP mula sa Mangaldan, Manaoag, San Fabian, Mapandan, Dagupan City, at ang Panda Fire Volunteers, na nagbigay-daan upang mapigilan ang pagkalat ng apoy sa iba pang gusali.

Wala namang naitalang nasugatan o nasawi sa insidente.

Ayon sa barangay, maayos at updated ang business clearance ng poultry farm at wala pang ulat hinggil sa magiging susunod na hakbang ng pamunuan ng establisimyento matapos ang sunog.

Sa kasalukuyan, idineklara na ng BFP na totally fire out ang lugar at patuloy pa ang masusing imbestigasyon upang tuluyang matukoy ang eksaktong sanhi ng sunog.

Samantala, nanawagan ang barangay sa mga residente na maging mas maingat lalo na sa paggamit at kondisyon ng mga electrical wirings at appliances.

Ito na ang ikatlong insidente ng sunog sa barangay sa loob ng tatlong magkakasunod na taon mula 2024 hanggang unang bahagi ng 2026, kaya’t binibigyang-diin ang kahalagahan ng pagsunod sa fire safety at precautionary measures upang mapanatiling ligtas ang mga tahanan at ang buong komunidad.