Bagamat nasunugan, nagpapapasalamat ang mga biktima sa maagang pagrespondi ng mga otoridad sa sunog na naganap sa Brgy. Poblacion sa bayan ng Mangaldan, Pangasinan.
Ayon sa isa sa mga inilikas na residente na tumanggi ng magpakilala, bandang alas-9:30 ng gabi ng kanilang mapansin ang sunog sa katabing bahay kayat agad silang lumikas dala nalamang ang ilang kagamitan upang masiguro ang kaligtasan nilang mag-anak.
Nagpapasalamat ang ginang dahil kahit hindi aniya nila agad na naireport mabilis ang naging respondi ng mga otoridad.
Posible naman aniya na problema sa electrical wiring ang sanhi ng sunog.
Nabatid na dalawang pamilya ang inilikas dahil sa insidente na agad namang sinuri ng mga manggamot.
Sa pagrespondi ng Bombo Radyo Dagupan News team, limang mga bumbero mula sa bayan ng Mangaldan, San Fabian, San Jacinto at BFP Dagupan kasama ang Panda fire volunteer ang nagtulong tulong upang maapula ang sunog.
May ilang ambulansya din ang nakaantabay sa lugar gayundin ang hanay ng PNP.
Nasa fire scene din sa Mangaldan Mayor Marilyn Lambino at asawa nitong si Sec. Raul Lambino, Coun. Aldrin Soriano, MSWD officer Rowena De Guzman at Poblacion Punong Barangay Tonet Morillo.
Tiniyak naman ni Punong Barangay Morillo, ang tulong upang maihatid sila sa bahay ng kani-kanilang mga kaanak kung saan sila pansamantalang manunuluyan.
Pinuri din nito ang maagang pagrespondi ng mga BFP personnel sa sunog dahilan upang hindi na kumalat pa ang sunog lalo pa’t magkakatabi ang mga tahanan sa lugar.
Kung hindi umano nakaresponde kaagad ang mga bumbero mula sa mga iba’t ibang bayan at siyudad ay tiyak umano na mas malaking pinsala ang maitatala mula sa nasabing sunog.
Siniguro naman ni MSWD Officer De Guzman, na may nakahandang tulong para sa mga biktima ng sunog.