Isang makeshift residential house na ginagamit bilang garahe ang nasunog sa Barangay Bonuan Tondaligan, Dagupan City nitong Agosto 24, 2026, kung saan isang sasakyan ang kabilang sa mga nasangkot sa insidente.
Ayon kay FO1 Roland Aviles, DPO Investigation Staff ng BFP Dagupan, nakatanggap ang estasyon ng tawag bandang alas-4:56 ng hapon hinggil sa sunog. Agad na nag-dispatch ng Rosenbauer fire truck at mini pumper bandang alas-4:57 ng hapon at nakarating sa lugar alas-5:04 ng hapon.
Itinaas ang unang alarma pagdating ng mga bumbero sa pangunguna ni SFO2 Henry S. Datuin bilang ground commander. Idineklarang fire control ang insidente alas-5:20 ng hapon, habang tuluyang idineklarang fire out alas-5:30 ng hapon ni City Fire Marshal Chief Inspector Michael Cisamera.
Walang naiulat na nasawi o nasugatan sa insidente. Nakakordon na rin ang lugar at nakatakdang balikan ng mga imbestigador ng BFP upang magsagawa ng masusing pagsusuri. Patuloy namang iniimbestigahan ang sanhi ng sunog.
Nakatulong din sa pagresponde sa insidente ang CDR, RMO, at mga fire volunteer mula sa PANDA. Samantala, pinaalalahanan ng BFP ang publiko na tiyaking nakapatay at naka-unplug ang mga electrical appliances at kagamitan bago umalis ng bahay. Mahalaga rin umanong regular na suriin ang mga electrical outlet, lalo na ngayong panahon ng madalas na pag-ulan, upang matiyak na hindi ito nababasa o natutuluan ng tubig.
Pinayuhan din ang mga residente na huwag iwang bukas ang kalan o anumang kagamitan sa pagluluto bago umalis ng bahay bilang bahagi ng pag-iwas sa sunog.










