Ibinabala ni Dr. Nhorly Domenden, Director ng Wundt Psychological Institute, ang matinding epekto sa mental health ng mga mamamayan dulot ng sunod-sunod na kalamidad sa bansa lalo na ang mga lindol na nagdulot ng takot at trauma sa maraming Pilipino.

Ayon kay Dr. Domenden, sa lahat ng uri ng kalamidad, ang lindol ang pinaka-nakakabahala dahil sa kawalan ng babala. Ito ay unpredictable, hindi mo alam kailan tatama, at wala kang kontrol.

Maliban sa pinsalang pang-ekonomiya, mas malalim ang psychological shock na dinaranas ng mga tao.

--Ads--

Dagdag pa ni Dr. Domenden, maraming tao ang nakararanas ng iba’t ibang emosyon pagkatapos ng lindol mula sa takot, pagkalito, hanggang sa kawalan ng pakiramdam.

Kung saan ang kawalan ng emosyon, ang tila manhid sa nangyayari ay isa sa pinaka-nakakatakot na estado.

Mayroon ding flashbacks, o biglaang pagbalik ng alaala ng trahedya, na nakaaapekto sa araw-araw na buhay ng tao.

Pagbabahagi pa ni Dr. Domenden, may tatlong natural na reaksyon ang tao sa gitna ng sakuna: fight, flight, o freeze. Kapag may peligro, natural sa tao na lumaban, tumakbo, o tumigil sa galaw.

Ngunit sa sobrang takot, maraming tao ang nagfa-freeze hindi makagalaw, nahihirapang huminga, o napapalpitate.

Kung saan ito ay normal na stress reaction ng katawan.

Binibigyang-diin naman nito ang kahalagahan ng psychological first aid, lalo na para sa mga bata at kabataang apektado ng kalamidad.

Nanawagan din siya sa mga nakararanas ng emotional distress na huwag ipagwalang-bahala ang kanilang kalagayan: Unahin ang self-care at kapag pinatatag ang ating sarili, mas magiging handa tayong tumulong sa iba.

Bagama’t hindi kailanman matutukoy kung kailan tatama ang lindol, binigyang-diin ni Dr. Domenden ang kahalagahan ng kahandaan at tamang plano.