Tumanggi umano ang Sual PNP na i-entertain ang reklamo ng kinakasama ng isang OFW sa Saudi Arabia hinggil sa issue sa pinang-scam sa kaniya dahil taga Quirino Province raw ang nang-loko rito.
Idinulog ito sa Bombo Radyo Dagupan ni Jayson Magno, kinakasama ng OFW na si Lorna Catubig, kung saan matatandaang naloko ng kapwa Pilipinong napag-alamang taga Quirino na matutulungan umano itong makauwi agad ng Pilipinas kapalit ng ilang libong halaga ng piso.
Ani Magno, ito ay lumapit sa Sual PNP, pinaghintay ng limang oras mula 10:00 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon upang iparating sana ang ginawang panloloko sa kinakasama nang ito ay mapaabot sa Quirino PNP ngunit ang sinabi lang aniya ng kapulisan ay pumunta na lamang sa Quirino Province at doon idulog ang reklamo.
Ang higit P14,000 na na-scam kay Lorna ay ipapadala umano sana nito sa nanay ng kinakasama nito na si Nanay Merly Magno na siyang mayroong sakit na pneomonia at sakit sa bato na walang kakayahang makabili ng gamot.
Matatandaang ang OFW na si Lorna ay isa sa dalawang OFWs na nauna ng napaulat na na-scam ng kapwa Pilipino sa nasambit na bansa na nagsabing mas mapapabilis umano ang kanilang repatriation kapalit ng ilang libong piso.
Sa naturang scam ay sinabi umano sa mga biktima na mayroon silang mga asawang Saudi National na siyang tutulong sa kanilang mapabillis ang proseso ng kanilang pag-uwi.
Ito ay dahil sa pagnanais ng mga kababayang Pilipinong makauwi na lamang sa Pilipinas dahil sa hirap ng kanilang tinatamasa roon.