DAGUPAN, CITY— Tinitignan na ng Sual PNP ang lahat ng anggulo sa posibleng motibo sa pagbaril sa isang miyembro ng kapulisan na naging sanhi ng kaniyang agarang pagkamatay habang sakay ito ng kaniyang motorsiklo habang patungo sa siyudad ng Baguio upang magreport at pumasok sa kaniyang trabaho kung saan ay galing naman ito sa kanilang bahay sa bayan ng Bolinao.

Ang biktima ay nakilalang si PCPL Reynold Reyes, miyembro ng mobile force company at kasalukuyang naka assign sa Police Regional Office o PRO Cordillera.

Ayon kay PCapt. Fredwin Sernio, hepe ng Sual PNP sa kanilang inisyal na imbestigasyon ng respondehan ang insidente ay inakala lamang na isang traffic vehicular incident ang nangyari sa biktima ngunit ng isinakay na sa ambulansiya at alisin ang kaniyang suot na helmet ay dito na nadiskubre na may dalawa itong tama ng bala ng baril sa kaniyang ulo.

--Ads--
Tinig ni PCapt. Fredwin Sernio, hepe ng Sual PNP

Sinubukan pang isugod sa pagamutan si Reyes ngunit binawian din ito ng buhay.

Nagsasagawa na rin sa ngayon ng back tracking ang PNP sa mga CCTV footage ng mga nadaanang police stations ng biktima upang sa gayon ay matukoy ang mga sasakyan na nakasunod sa kaniya bago ito pagbabarilin.

Hirap din sa ngayon na makakuha ng mga karagdagan pang impormasyon at ebidensiya dahil walang mga nakasaksi ng mangyari ang naturang pamamaril.

Dagdag pa ni Sernio, sa kanilang pakikipag ugnayan sa pamilya ng biktima ay wala naman umanong nabanggit si Reyes na nakatanggap ito ng pagbabanta sa kaniyang buhay at wala ding nakaaway o nakaalitan na pwedeng maging dahilan upang ito ay paslangin.

Samantala hindi naman din isinasantabi sa kanilang ginagawang imbestigasyon ang anggulo na posibleng may kaugnayan sa pagiging pulis ng biktima at sa mismong trabaho nito ang naturang pamamaril. (with reports from: Bombo Mariane Esmeralda)