BOMBO DAGUPAN – “Libre lang ang mangarap”, siguro nga lahat naman tayo ay may pangarap sa buhay, may kanya kanyang nais abutin, mga katayuang gustong makamit. Sabihin man nating kasing taas ito ng mga bituin o kasing layo ng ibayong dagat ay susugal tayo para sa ating mga pangarap. Isa lamang si Maam Sunshine Tadeo Velano ang ating tampok na Bombo International News Correspondent sa bansang Oman, sa mga taong patuloy na sumusubok, patuloy na nangangarap at nagpupursige para sa kanyang mga anak at minamahal na pamilya. Para sa bukas na wala mang katiyakan, ngunit nagbubukas ng panibagong pinto at oportunidad para sa buhay na inaasam.
Hindi naging madali ang buhay ni Ma’am Sunshine sa ibang bansa. Gaya nga ng karamihan paswertehan lang talaga ang paghahanap ng mabuting amo. Una siyang nakipagsapalaran sa bansang Jordan kung saan ginugol niya ang dalawang taon sa nasabing bansa hanggang sa napagdesisyunan nitong sa bansang Saudi Arabia naman siya susubok at titingnan kung haan siya dadalhin ng kanyang pangarap.
Simple lang naman ang nais ni Ma’am Sunshine, maginhawang buhay para sa kanyang pamilya at mapag-aral ang kanyang dalawang anak. Dahil siya ay isang single mom, naging malaking hamon din sa kanya ang kaisipan na baka mapalayo ang loob ng kanyang mga anak sa kanya bagama’t ay musmos pa lamang ang mga ito noong siya ay nagtungo sa ibayong dagat.
Bilang isa ring panganay sa limang magkakapatid nais niya ding tumayo bilang isang ate na susuporta at aagapay sa pangangailangan din ng kanyang pamilya. Sa hirap ba naman ng buhay, ay ayaw niyang maranasan ng kanyang mga kapatid maging ng kanyang mga anak ang buhay na hindi mo sigurado kung saan mo pupulutin ang perang gagastusin sa pang-araw-araw.
Dito sa Pilipinas, ay nanilbihan siya bilang isang kasambahay. Napakahirap kung kanyang ilalarawan ngunit wala naman siyang ibang nakikitang paraan para kumita ng pera na madalas ay hindi ba sumasapat para sa kanilang pangangailangan. At sa pagkakataong iyon, ay doon na sumagi sa isip niya na mas malaki ang kikitain sa ibang bansa, mas magkakaroon siya ng pagkakataon at kakayahan na maibigay ang kagustuhan ng kanyang pamilya. Doon ay matutupad niya ang pangarap ng kanyang mga anak na siyang pangarap niya rin.
Matapos ang dalawang taon niya sa Jordan at mahigit dalawang taon din sa Saudi ay bumalik siya ng bansang Jordan ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon ay nasa palad natin ang swerte. Hindi naging maganda ang karanasan ni Maam Sunshine sa muling pagbabalik niya sa bansang Jordan, doon niya naranasan ang hindi magandang karanasan na siyang nag-udyok sa kanya na umuwi na lamang ng Pilipinas.
Napakahirap talaga ng buhay ng isang OFW, napakapait na nga lang kung iispin na mawawalay ka sa iyong mga anak, mapapalayo ka sa iyong pamilya at ang madadatnan mo pa sa ibang bansa ay isang malagim at masalimuot na karanasan. Gaya nga ng sabi nila “swertehan lamang ang buhay sa ibang bansa, mapalad ka kung may mahahanap ka na mabuting amo” at hindi lahat ay talagang sineswerte sa pakikipag-sapalaran sa ibang bansa.
Subalit dahil sa pinanghahawakan ni Maam Sunshine na pangarap para sa kanyang mga anak at pamilya, muli ay sinubok niyang mangibang bansa. Sa kasalukuyan ay nasa bansang Oman na siya at halos mag-iisang taon na din siya roon. Mahirap man ang mga gawain ngunit kinakaya naman dahil mababait ang kanyang amo, hindi katulad na kanyang naging huling employer.
Lubos nga ang pasasalamat ni Maam Sunshine sa diyos dahil sa loob ng ilang taon na pagiging OFW ay hindi siya pinabayaan at patuloy lamang na lalo siyang pinatatatag at pinatitibay ng panginoon para sa kanyang mga anak. Dahil nga siya lang ang sumusuporta sa mga ito, isang malaking sakripisyo talaga para sa katulad niyang Single mother ang mapalayo sa kanyang mga anak.
Dakila talaga ang isang ina na lubusang nagmamahal sa kanyang mga anak, dahil ang pangarap ng mga ito ay wala iba kundi siya ring pangarap niya. Isang magandang bukas, maginhawa at payapang buhay.