Dagupan City – Isa sa mga pangunahing paksa na tatalakayin sa mga aktibidad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Estados Unidos ay ang pagsusulong ng kapayapaan.

Sa naging panayaam ng Bombo Radyo Dagupan kay Marissa Pascual, International News Correspondent sa Estados Unidos, sinabi nito na kabilang sa mga agenda ng Pangulo ang mga usapin na may kinalaman sa kapakanan o welfare ng bansang Pilipinas at ng mga Pilipino.

Inaasahan rin umano ang pagpupulong ng Filipino community sa nasabing bansa, kung saan inaasahang mababanggit ang kamakailang kilos-protesta ng grupo ng mga nurse kaugnay ng mga benepisyong kanilang hinihiling.

--Ads--

Matatandaan na dumating sa Amerika si Pangulong Marcos para sa isang working visit at mananatili sa New York hanggang Miyerkules, Marso 11, 2026.

Kasama sa biyahe ng Punong Ehekutibo si First Lady Liza Araneta-Marcos at ilang miyembro ng gabinete.

Nauna nang inihayag ni Department of Foreign Affairs spokesperson Angelica Escalona na kabilang sa iskedyul ng Pangulo ang mga high-level engagements sa United Nations.

Sa naturang mga pagpupulong, inaasahang mananawagan ang Pangulo sa mga partidong sangkot sa labanan sa Middle East na magpakita ng restraint at muling bumalik sa negotiating table.

Dagdag pa rito, hihimukin din ng Pangulo ang paggalang sa international law at sa UN Charter kasunod ng nagpapatuloy na tensyon sa rehiyon.

Makikilahok din si Pangulong Marcos sa pagbubukas ng ika-70 sesyon ng UN Commission on the Status of Women.

Samantala, nakatakda rin siyang makipagpulong kay António Guterres, Secretary-General ng United Nations, upang talakayin ang sitwasyon ng labanan sa Middle East at ang mga hakbang tungo sa mapayapang resolusyon ng sigalot.