Dagupan City – Itinaas na sa state of emergency ang British Columbia, Canada, o sa western part ng Canada dahil sa patuloy na pagkalat ng wildfire na umaabot na sa 105 lokasyon.

Ayon kay Ruth Marie Magalong, Bombo International News Correspondent sa Canada, nabawasan na rin ang paglabas ng mga residente sa mga apektadong lugar dahil sa mababang kalidad ng hangin na dulot ng makapal na usok mula sa mga sunog.

Dagdag pa niya, nababalot ng mapulang kulay ang kalangitan sa ilang lugar dahil sa tindi ng apoy.

--Ads--

Umaasa naman ang mga residente at awtoridad na makatutulong ang nararanasang pag-ulan sa pag-apula at pagkontrol sa mga wildfire.

Dumagdag din aniya sa operasyon ang mga volunteer mula sa Hawaii, habang isang daang bumbero mula Mexico ang tumulong sa pagresponde sa sunog, dahilan upang umabot sa 193 ang kabuuang bilang ng mga bumberong nakikipaglaban sa apoy.

Samantala, tinatayang 20,000 residente na ang napilitang lumikas matapos lumawak ang isang mapaminsalang wildfire sa western Canada. Ilang bahay at iba pang ari-arian malapit sa Okanagan Lake ang nasunog.

Isang 80-anyos na babae naman ang nasawi sa insidente, habang patuloy na kumakalat ang apoy patungo sa Summerland, isang komunidad na may tinatayang 12,000 residente at nasa 300 kilometro silangan ng Vancouver.

Patuloy naman ang operasyon ng mga awtoridad at mga bumbero upang mapigilan ang paglawak ng apoy at maprotektahan ang mga residenteng nasa mga apektadong lugar.