DAGUPAN CITY- Idineklara na kahapon sa special session ng Sanggunian Panlungsod ng syudad ng Dagupan ang pagtaas sa ‘State of Calamity’.

Ayon kay Coun. Michael Fernandez, Sangguniang Panlungsod ng Dagupan City, ng pag-apruba ng Resolution no. R-074 ay dahil sa iniwang epekto ng Super Typhoon Nando sa syudad.

Ang deklarasyong ito ay nagbibigay kapangyarihan sa local government na gamitin ang emergency funds, pagkakaroon ng relief operations sa mga residente, at pag-implementa ng critical rehabilitation measures sa labis na naapektuhan ng pagbaha.

--Ads--

Epektibo na rin ang pagtaas ng pagtutulungan ng mga LGU, barangay, national agencies, at civil society partners upang matiyak ang mabilis at epektibong pagtugon sa mga naapektuhan.

Ang sesyon ay pinangasiwaan ni Vice Mayor Bryan Kua.

Samantala, umabot na sa hindi bababa sa 412 na pamilya o 1,309 indibidwal ang mga nasa evacuation centers sa syudad.

Ayon kay Irene Ferrer, Officer in Charge ng City Social Welfare Development, simula pa lamang noong September 23 ay nagbukas na ang Dagupan City People’s Astrodome bilang evacuation center.

Batay naman sa datos kahapon ng Alas-8 ng umaga, 12 na rin ang binuksan sa mga barangay na labis apektado ng pagbaha katulad na lamang sa Bacayao Norte at Sur, Bonuan Gueset, Caranglaan, Herrero Perez, Lasip Chico, Lasip Grande, Lucao, Malued, Mayombo, at Pogo Chico.