Dagupan City – Nanawagan ang Philippine National Police (PNP) Sta. Barbara sa mga residente na maging maingat at responsable, lalo na sa mga motorista, sa gitna ng nararanasang masamang panahon bunsod ng bagyo o mga pag-ulan.

Ayon kay Plt Col Michael Datuin, Chief of Police (COP) ng Sta. Barbara, mahalagang unahin ang kaligtasan ng bawat isa, partikular na ng mga nagmamaneho sa gitna ng ulan at posibleng pagbaha sa ilang bahagi ng bayan.

Karaniwan nang tumataas ang insidente ng aksidente sa kalsada kapag may masamang panahon, kaya mahalaga ang pagiging alerto at maingat sa pagmamaneho.

--Ads--

Nanawagan ang ahensya sa mga motorista, na huwag ipagsawalang-bahala ang babala ng panahon.

Iwasan ang bumiyahe kung hindi naman kailangan, lalo na kung malakas ang ulan o may pagbaha

Ang mga simpleng pag-iingat tulad ng regular na pag-check ng kondisyon ng sasakyan, paggamit ng seatbelt, at pag-iwas sa mabilis na pagpapatakbo ay malaking tulong upang maiwasan ang sakuna.

Nagpaalala rin ang PNP na manatiling updated sa mga weather advisory mula sa PAGASA at sa mga anunsyo ng lokal na pamahalaan.

Pinayuhan din ang publiko na i-report agad sa kanilang tanggapan ang anumang emergency o insidente na nangangailangan ng agarang aksyon.

Sa ngayon, patuloy ang monitoring ng Sta. Barbara PNP sa mga kalsada.

Nakahanda na rin ang kanilang quick response teams sakaling kailanganin ang agarang pagresponde sa mga insidente.