Dagupan City – Ipinapakita ng St. John the Evangelist Cathedral ang mas malalim na diwa ng Pasko sa pamamagitan ng mga programang nakasentro sa pananampalataya, pagkakaisa, at malasakit sa kapwa, ayon kay Father Manuel Bravo Jr., Parish Priest ng Cathedral.
Sa halip na magkahiwalay na pagdiriwang, pinagsasama ng katedral ang selebrasyon ng Pasko at ang kapistahan ng kanilang patron St. John tuwing Disyembre 27. Sa araw na ito ginaganap ang iba’t ibang aktibidad na naglalayong pagkaisahin ang simbahan at komunidad sa iisang diwa ng pasasalamat at pagmamahal.
Isa sa mga tampok na gawain sa buong araw ay ang matagal nang programang “One Beloved Christmas,” kung saan inaanyayahan ang mga piling less privileged mula sa mga barangay na sakop ng parokya. Sa tulong ng lahat ng religious organizations, nakapaghahandog ang katedral ng mga grocery, pagkain, at mga kasuotan.
Sa gabi naman ng Disyembre 27 isinasagawa ang St. John Night, isang pagtitipon para sa mga church ministers, church leaders, at iba’t ibang religious organizations.
Ito ay isang sama-samang Christmas party na may programa, salu-salo, raffle, at aktibong partisipasyon ng iba’t ibang sektor ng simbahan bilang tanda ng pagkakaisa at pasasalamat.
Binibigyang-diin ng katedral na ang tunay na diwa ng Pasko ay nakaugat kay Hesus Kristo.










