Hiniling ng special prosecutor ng South Korea na patawan ng death penalty ang pinatalsik na South Korean president na si Yoon Suk-yeol.
Kaugnay ito ng kaniyang insurrection charges dahil sa pagdedeklara ng martial law noong December 2024.
Ayon sa prosekusyon, ang mabigat na parusa ay nararapat umano dahil sa seryosong banta sa demokrasya at pambansang seguridad na idinulot ng naging hakbang ni Yoon.
Iginiit ng special prosecutor na ang naturang deklarasyon ay labag sa Konstitusyon at nagresulta sa matinding kaguluhan sa pamahalaan at sa publiko.
Sa mga isinampang kaso, inakusahan si Yoon ng pagsasabwatan at paggamit ng kapangyarihan upang pahinain ang mga institusyong sibil at balewalain ang proseso ng batas, bagay na itinuturing na insurrection sa ilalim ng batas ng South Korea.
Binanggit din ng prosekusyon na ang deklarasyon ng martial law ay isinagawa nang walang sapat na legal na batayan at walang agarang banta na magbibigay-katwiran sa naturang hakbang.
Samantala, mariing itinanggi ng kampo ni Yoon ang mga akusasyon at iginiit na ang kaniyang mga naging desisyon ay ginawa umano sa ngalan ng pambansang interes.
Nakatakdang maglabas ng desisyon ang Seoul Central District Court sa nasabing kaso sa susunod na buwan, isang hatol na inaasahang magkakaroon ng malawak na implikasyon sa pulitika at justice system ng South Korea.










