DAGUPAN CITY- Dapat lamang na boluntaryo at hindi sapilitan ang pagpapa-perform ng special number sa mga empleyado tuwing christmas party, gayundin ang pagsali sa kasiyahan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Julius Cainglet, Vice President ng Federation of Free Workers, sang-ayon siya na ipaabot sa Department of Labor and Employment (DOLE) kung sakaling makaranas ng pagpilit ang isang empleyado.
Giit niya na hindi naman kasama sa pinirmahang kontrata ang pagperform.
Dapat din mabigyan ng incentives ang empleyadong magpapakita ng talento sa christmas party.
Habang ang pagkakaroon ng solicitations at ang pagreregalo ay dapat napagkasunduan ng bawat dumalo/dadalo at hindi rin sapilitan.
Sa kabilang dako, nangangamba pa rin ang ilang mga manggagawa sa kanilang karapatan ngayong holiday season.
Ani Cainglet, mayroon pa rin ang hindi agad natatanggap ang kanilang 13th month pay.
Aniya, hangga’t hindi naaamyendahan ang batas hinggil sa distribusyon nito at hindi rin mapupwersa ang mga employers para sa mas maagang pagbibigay.
Mas maigi na lamang aniya na kausapin ang mga ito at maging diplomatiko sa pakikipag-usap.
Nagpaalala rin sya sa mga nagpapa-overtime na hindi dapat ito sapilitan at hanggang 8 hours lamang dapat ang working hours ng mga empleyado.
Ito dapat ay boluntaryo at maagang pinaplano upang hindi pabigla-bigla.
Batay sa Labor Code, dapat mayroon 8 oras na pahinga ang mga manggagawa at hindi dapat tuloy-tuloy ang pag-overtime.










