May binuo nang special investigation task group Cerdan ang PNP Provincial Office para sa mabilis na imbestigasyon sa pamamatil at pagpatay kay dating Anda mayor Aldrin Cerdan.

Kahapon ay nagsagawa ng press conference ang Pangasinan Police Provicial Office sa pangunguna ni Provincial director pol.col. Richmond Tadina.

Sinabi ni Tadina na nangangalap pa sila ng mga karagdagan pang mga impormayon at ibidensya para malaman ang tunay na motibo ng pagpatay.

--Ads--

Lumabas sa initial report na ayaw pautangin ng biktima ang suspek na sinasabing dahilan ng kanyang matinding galit dito kaya niya binaril.

Nabatid din na may dating kasong pang aabuso ang suspek sa kanyang asawa.

Matatandaan na nasawi sa kanyang farm si Cerdan matapos umanong pagbabarilin ng kanyang personal staff na si William Cagampan alyas Dugong.

Nagpapahinga umano si Cerdan sa kaniyang farm sa Barangay Namagbagan nang ito ay puntahan ni Cagampan.

Nag-usap pa umano ang dalawa, ngunit matapos nito ay pinagbabaril si Cerdan gamit ang isang m16 rifle.

Samantala, sa pamamagitan naman ng hot pursuit operation ng PNP-Pangasinan ay nahuli ang naturang suspek.

Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang siyam na basyo ng bala ng M16 rifle.

Pinaniniwalaan na wala namang kaugnayan sa politika ang naturang pamamaril dahil hindi tatakbo sa halalan ang nasabing biktima.