Magkakaroon ng pagpupulong sa Kongreso ang Special Committee on North Luzon Growth Quadrangle upang pag-usapan at imbestigahan kung ano nga ba ang mga totoong nangyari sa kasagsagan ng pagbaha sa Cagayan dahil sa bagyong Ulysses upang ito ay hindi maulit pa sa hinaharap.

Sa bahagi ng panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Cong. Ramon Guico III, Chairman ng nabanggit na Special Committee, ito ay personal na pumunta sa Cagayan upang makita ang kalagayan doon.

Sa gagawing pagpupulong ay kasama ang iba pang standing committees upang alamin sa mga nagdaang buwan o taon kung anu-ano ang mga ginawang hakbang ng iba’t-ibang ahensiya ng gobierno upang maiwasan ang ganito katinding pinsala mula sa natural na kalamidad.

--Ads--

Kasama rin aniyang titignan kung anu-ano rin ang mga posible pa nilang gawing preventive measures.

Sa pagpupulong na nabanggit ay nais din nilang alamin mula sa National Irrigation Administration (NIA) kung papaano nga ba umano ang mga pinaiiral na protocols sa mga ganitong pagkakataon sa pagpapakawala ng tubig sa mga dam.

Cong. Ramon Guico III

Kasama rin sa pagpupulong ang ahensiya ng Agrikultura, Office of Civil Defense, Department of Public Works and Highways (DPWH) at maging ang Department of Environment and Natural Resources (DENR).