BOMBO DAGUPAN – Mga kabombo! Ikaw ba ay mahilig din mangolekta ng isang bagay? Kung oo, ay ano naman ang iyong maibabahaging collection.
Kung ang iba ay mga bag at sapatos, aba’y ibahin mo ang isang Spanish national na si Wences Palau Fernandez dahil kinilala siya ng Guinness World Records (GWR) bilang “world’s largest collector of mobile phones.”
Sa artikulong inilathala ng GWR sa official website nito lamang August 15, 2024, tampok ang collection ni Wences ng 3,615 cellphones—karamihan sa mga ito ay unique models.
Kung saan nalampasan niya ang previous record na 3,456 cellphones na naitala ni Andrei Bilbie Argentis ng Romania noong 2023.
Ang kanyang collection ay iniingatan ni Wences sa kanyang bahay sa Barcelona, Spain.
Aniya na nagsimula siyang ma-obsess sa cellphone nang may magregalo sa kanya ng grey Nokia 3210 noong Pasko ng 1999.
Mula noon, lagi niyang inaantabayanan kapag may bagong modelo ng Nokia na lumalabas—at nangangarap na magkaroon siya.
Sinimulan naman niya ang pagkokolekta noong 2008.
Ang plano niya ay magkaroon ng mga lumang modelo na hindi niya nabili nang ilunsad sa market dahil hindi pa kasi niya afford ito noon.
Na-a-acquire niya ang lumang modelo sa mas murang halaga.
Hanggang sa dumami nang dumami ang kanyang collection at hindi na magkasya sa display cabinet na ipinasadya pa niya.
Kalaunan, maging ang buong kuwarto niya ay napuno na rin ng cellphones.
Pagsapit ng 2018, nakakolekta na si Wences ng 700 na iba’t ibang Nokia models.
Doon na rin siya nagdesisyon na magkolekta ng ibang brands, at maging ng cellphones na hindi commercially available.
Sa ngayon ay tinututukan na ni Wences ang pagpapatayo ng museum para sa kanyang collection—na aniya ay magiging happy place niya at ng iba pang tulad niyang mahilig magkolekta ng cellphone.
Umaasa naman siyang sa malapit na hinaharap ay makukumpleto rin niya ang lahat ng modelong ini-release ng Nokia.