Hindi organisado at hindi na-managed.
Ito ngayon ang tinitignang anggulo ng mga kinauukulan sa nangyaring crowd crush sa Itaewon district sa South Korea.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Jeoffrey Maddatu Calimag, binigyang-diin nito na patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon ang gobyerno ng South Korea sa nangyaring trahedya na ikinasawi naman ng mahigit 150 na katao.
Bagamat wala pang eksaktong resulta ang naging insiyal na imbestigasyon ng kapulisan ng nasabing bansa dahil prayoridad nila ngayon ang pagbibigay ng tulong at suporta gaya ng psychological at medical sa mga nasugatan at lubhang naapektuhan sa nangyaring crowd crush gayon na rin sa pagpapalibing sa mga nasawi naman sa naturang trahedya.
Dagdag pa ni Calimag na pina-kilos na rin ng gobyerno ang mga kinauukulan partikular na ang mga government agencies upang tumugon sa iba pang mga pangangailangan ng mga biktima ng insidente. Kasama na nga rito ang pagpapatupad ng iba’t ibang polisiya gaya ng kanselasyon ng mga pagtitipon at iba pang mga events upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan at upang maiwasan nang maulit ang pangyayaring ito.
Isa na rin sa mga polisiyang ipinatupad ng South Korean government ang pagdeklara ng National Mourning Period na nagsimula na nitong linggo at magtatapos naman sa Sabado, Nobyembre a-5 para sa mga nasawi bilang pakikidalamhati sa kanilang mga pamilya.
Kaugnay nito ay patuloy naman silang nananawagan sa publiko at sa mga pamilya ng mga biktima na makipagugnayan sa kanila upang matukoy na ang kanilang mga pagkakakilanlan.
Binigyang-diin pa ni Calimag na hindi ito ang unang pagkakataon na may nangyaring malaking pagtitipon para sa isang event. Aniya na mas marami pang dumalo noong unang mga halloween at iba pang mga events noong mga nakaraang taon kung saan ay umaabot pa sa halos 200,000 na katao ang dumadalo.