Nagbigay paalala si Dr. Glenn Soriano, US Doctor, Natural Medicine Advocate, hinggil sa paglaganap ng sore eyes o conjunctivitis, na karaniwang nararanasan tuwing tag-init o panahon ng mas mataas na alikabok sa paligid.

Ayon kay Dr. Soriano, ang sore eyes ay kadalasang dulot ng bacterial infection at kusang gumagaling sa loob ng isang linggo kung may tamang hygiene at pag-iingat.

Gayunman, kanyang binigyang-diin na hindi lahat ng pamumula ng mata ay sore eyes maaaring ito ay sanhi rin ng viral infection o allergies.

--Ads--

Kapag viral red eyes o dahil sa allergen, kadalasan, nawawala na agad ang sintomas ilang oras matapos alisin ang pinagmumulan ng iritasyon.

Aniya, mahigit 90% ng mga kaso ng sore eyes ay hindi naman delikado, ngunit ang problema ay ang mataas nitong kakayahang makahawa.

Mabilis itong kumalat lalo na sa mga pampublikong lugar, eskwelahan, at opisina.

Kabilang sa mga sintomas ng sore eyes ang:

Pamumula ng mata, pangangati at parang may “buhangin” sa loob ng mata, pananakit sa ilang kaso at pag-iwas sa liwanag o photophobia.

Dagdag pa ni Dr. Soriano, hindi lamang bacteria o virus ang dapat sisihin. Minsan ay simpleng eye strain mula sa matagal na pagtitig sa screen o pagbabasa ang nagdudulot ng pamumula.

Pinayuhan niya ang publiko na panatilihin ang malinis na kamay, iwasang kamutin ang mata, umiwas sa matataong lugar kung may sintomas at kumonsulta sa doktor kung hindi gumaling sa loob ng ilang araw.