Nagsagawa ng orientation activity ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) para sa mga solo parents sa bayan ng Bayambang.

Ang aktibidad na ito ay naglalayong ipaliwanag o ipaalam sa mga solo parents sa bayan ang patungkol sa Solo Parents’ Welfare Act (RA 8972) o ang batas na ipinasa noong taong 2000 upang magbigay ng mga benepisyo at proteksyon sa mga solo parents at kanilang mga anak.

Ito ay upang matulungan ang mga solo parents na magtagumpay sa kanilang mga responsibilidad sa pagpapalaki ng kanilang mga anak, pati na rin sa kanilang kabuhayan at iba pang pangangailangan.

--Ads--

Ang talakayan na ito ay pinangunahan ni Atty. Melinda Rose Fernandez at ng Social Welfare Officer III na si Evelyn C. Dismaya mula sa Pangasinan Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO).

Dito ay ipinaliwanag ang mga posibleng benepisyo tulad ng karagdagang leave credits, diskwento sa mga pangunahing bilihin, libreng edukasyon para sa kanilang mga anak, at iba pang tulong na maaaring makuha mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Upang maging malinaw naman ito para sa mga dumalong solo parents, nagkaroon sila ng pagkakataon na ipahayag ang kanilang mga isyung kinakaharap, katulad na lamang ng proseso sa pagpaparehistro, at mga iba pang dokumento para makuha ang kanilang mga benepisyo.

Kaugnay nito ang pang-eengganyo ng MSWDO sa mga iba pang solo parents sa kanilang bayan na maki-isa dito upang makuha ang suporta mula sa lokal na pamahalaan.