Dagupan City – Nagsagawa ng mahalagang pagpupulong ang Liga ng mga Barangay kamakailan sa syudad ng San Carlos na nakatuon sa pagpapaigting ng solid waste management sa bawat barangay.
Layunin ng aktibidad na ito na mapabuti pa ang koordinasyon at pagtutulungan ng mga barangay para sa mas malinis, ligtas, at organisadong kapaligiran.
Pinangunahan ng mga kinatawan ng barangay ang diskusyon kasama sina Mayor Julier “Ayoy” Resuello at CENRO.
Nagbigay ang pamunuan ng CENRO ng mga makabuluhang rekomendasyon at gabay patungkol sa tamang pamamahala ng basura, habang binigyang-diin din ang kahalagahan ng aktibong partisipasyon ng mga lokal na opisyal at mamamayan sa pagpapatupad ng mga ito.
Tinalakay sa pagpupulong ang iba’t ibang isyung may kaugnayan sa waste management kabilang ang mga kasalukuyang hamon sa pangongolekta, pagtatapon, at pagsegregate ng basura.
Inilatag rin ang mga posibleng solusyon upang mapahusay pa ang sistema sa bawat barangay.
Ginamit ang inisyatibong ito upang muling ipakita ng pamahalaang lungsod ng San Carlos at ng mga barangay ang kanilang dedikasyon sa pagtataguyod ng kalinisan at kaayusan sa komunidad.
Bahagi ito ng mas malawak na kampanya ng lokal na pamahalaan upang masiguro ang isang mas maunlad at mas ligtas na lungsod para sa kanilang nasasakupan.