Dagupan City – Umiigting ang usapin kung sino ang tunay na “Solid Duterte” at “Solid Marcos” kasunod ng pag-usad ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay political analyst na si Atty. Michael Henry Yusingco, inaasahang malinaw na lalabas sa mga susunod na araw kung sinu-sino ang matatag na susuporta sa bawat kampo at kung sino ang mananatiling undecided.
Aniya, mahalagang yugto ito hindi lamang para sa isyu ng impeachment kundi maging sa mas malawak na larangan ng pulitika.
Sinabi rin ni Yusingco na posibleng binabantayan ng kampo ni Vice President Sara kung sino ang mga hindi pa nagpapakita ng malinaw na paninindigan—hindi lamang kaugnay ng impeachment kundi pati na rin sa posibleng paghahanda para sa 2028 elections.
Kaugnay naman ng pagdalo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at dating Vice President at Naga City Mayor Leni Robredo sa Naga, ipinaliwanag ni Yusingco na hindi umano dapat agad lagyan ng malisya ang naturang mga aktibidad, kabilang ang isyu ng DPWH anomalies at ang naging pagpupulong sa Malacañang.
Ayon sa kanya, matagal na umanong nakaplano ang mga ito kaya’t hindi dapat bigyan ng ibang kahulugan.
Nanawagan si Yusingco sa publiko na maging mapanuri at magkaroon ng sapat na kaalaman sa pagpili ng mga karapat-dapat sa posisyon, lalo na sa gitna ng umiinit na usaping pulitikal sa bansa.










