Umaasa si Senator Riza Hontiveros na tuluyang maipapasa sa 18th Congress ang panukala nitong sexual orientation, gender identity, and gender expression (SOGIE) equality bill.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Senator Riza Hontiveros , sinabi nito na bagamat walang itinakdang timeline, umaasa siya na maisasabatas na ito sa ilalim ng 18th congress.
Sapat na aniya ang panahong ito para mapagbotohan ito sa Senado para tuluyan ng maisabatas.
Giit ni Hontiveros, handa siyang simulan uli ang interpellation at pag-amyenda sa naturang panukala .
Bukod pa sa paglilinaw sa ilang isyu dito na nakikita ng mga tumutuligsa tulad sa religious freedom, academic freedom ng mga eskwelahan maging ang parental authority na nakapaloob dito.
Dagdag pa aniya rito kung ano nga ba talaga ang karapatang pinoprotektahan ng naturang batas.
Nabatid na ipinapaubaya na lamang ng MalacaƱang sa mga mambabatas sa pagpasa ng Sexual Orientation and Gender Identity and Expression (SOGIE) Equality bill.
Sinabi ni presidential spokesperson Salvador Panelo, na irerespeto nila ang anumang pananaw at magiging desisyon ng mga mambabatas kaugnay ng panukalang batas.
Nauna ng ipinahayag ni Senate President Vicente Tito Sotto III na walang pag-asang maipasa ang nasabing panukalang batas.
Nabuhay ang nasabing usapin matapos na pagbawalan ang transgender na si Gretchen Diez na makapasok sa palikuran ng pambabae sa isang mall.