DAGUPAN CITY- Kasalukuyang isinasagawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang konstruksyon at pagsasaayos ng bagong slope protection project at rehabilitation ng access road malapit sa Dagat sa Barangay Bonuan Binloc, lungsod ng Dagupan.
Ito ay upang muling isaayos ang nasirang naunang imprastraktura na hinampas ng sunod-sunod na kalamidad na dulot ng masamang panahon at malalakas na storm surge.
Ang proyekto, na may habang humigit kumulang 400 metro, ay binubuo ng iba’t ibang phase upang masiguro ang mabilis at maayos na pagkumpleto kung sana pinondohan ito gamit ang calamity fund at karagdagang budget ng DPWH.
Madalas naman na naantala ang proyekto bunsod ng pabago-bagong panahon ngunit sa kasalukuyan ay puspusan na ang pagtatrabaho ng mga construction worker upang patibayin ang istruktura sa pamamagitan ng paggamit ng malalaking bato, pagtabon ng lupa, at paglalagay ng matibay na sheet pile na kinakailangan takpan ng semento kung saan magsisilbing panangga sa malakas na hampas ng alon at maiwasan ang pagguho ng lupa.
Ayon kay Barangay Captain Wilmer Castañares, ang proyekto ay unang natapos noong 2022 ngunit agad ding nasira noong 2023 dahil sa mga bagyong tumama sa lungsod.
Ang naunang proyekto ay nagkakahalaga ng mahigit 23 milyon ayon sa datos ng Sumbong sa Pangulo website para sa flood control project.
Dagdag pa niya, malaki naman ang naging tulong ng nasabing proyekto sa mga residente na nakatira sa dalawang sitio malapit dito gaya ng Bagong Barrio at Korea laban sa banta ng tubig mula sa dagat.
Bukod pa rito, nakita rin ni Kapitan Castañares na ang pagbabago sa lagay ng dagat ay nakaapekto rin sa pagkasira ng naunang proyekto.
Sa ngayon, mas pinatatag ang mga materyales na ginagamit upang hindi na maulit ang mga sirang maaaring mangyari sa hinaharap.
Aniya na, malaki pa ang porsyento na kinakailangan upang matapos ang proyekto dahil sa mga pagkaantala dulot ng pabago-bagong panahon.
Inaasahan na kung matapos ang proyekto, malaki ang maitutulong nito sa pagpapabuti ng kalagayan ng pamumuhay ng mga residente ng Barangay Bonuan Binloc, lalo na sa usapin ng baha at storm surge.