Dagupan City – Hindi lamang mga residente ang tinutukan ng Sangguniang Kabataan (SK) Federation ng Calasiao matapos makaranas ng malawakang pagbaha ang ilang bahagi ng bayan, kundi maging ang mga alagang hayop na naiwan sa mga kabahayan.
Ayon kay Calasiao SK Federation President at Calasiao Municipal Councilor Narayana Rsi Das Mesina, tinutukan ng mga miyembro ng Sangguniang Kabataan na magsagawa ng rescue at relief operations, partikular sa mga lugar na matindi ang pagtaas ng tubig.
Aniya, may ilang barangay na umabot hanggang dibdib ang lebel ng baha, kaya naging prayoridad nila ang pagtiyak sa kaligtasan ng mga residente at mga alagang hayop na naiwan sa kanilang mga tahanan.
Nakatutok din ang mga youth leader sa pagresponde sa pangangailangan ng mga hayop, kabilang ang pagligtas at pagbibigay ng pagkain at iba pang kinakailangang tulong.
Ibinahagi ni Mesina na matapos ang matinding epekto ng mga bagyo noong nakaraang taon, nakipagtulungan ang lokal na pamahalaan sa Provincial Government sa mga hakbang upang mabawasan ang epekto ng pagbaha, kabilang ang dredging.
Umaasa naman aniya ito na sa nakatakdang drainage improvement, dredging, water impounding at pumping projects ay magkakaroon na ng mas mabilis at organisadong sistema sa pagtugon sa pagbaha, lalo na sa mga lugar na madalas maapektuhan ng malakas na pag-ulan.
Samantala, ibinahagi rin ni Mesina ang kaniyang mga pangmatagalang proyekto bilang bahagi ng kaniyang three-year plan para sa kabataan at komunidad.
Aniya, nakatuon ang kaniyang mga plano sa mga programang makatutulong sa mga residente at sa patuloy na paghahanda ng komunidad sa mga sakuna.
Binigyang-diin din niya na sisikapin niyang maisakatuparan ang mga ipinangakong programa sa panahon ng kaniyang panunungkulan.










