DAGUPAN, CITY— Tiniyak ng lokal na pamahalaan ng siyudad ng Dagupan ang suporta nito sa World Health Organization sa kanilang vaccination campaign.
Sa pagbisita ni WHO Representative Dr. Bezu Beshir sa siyudad ng Dagupan upang hingin ang suporta ng City Government sa Anti-measles, Rubella at Polio vaccination drive, nagkaroon ito ng pagkakataon na makausap si Dagupan City Mayor Marc Brian Lim na tiniyak naman ang buong suporta sa mahalagang isinusulong ng International Health Body.
Giit ni Beshir, maliban sa pagtugon sa problema sa COVID-19 Pandemic, kinakailangan din na tugunan ng bansa ang problema sa measles o tigdas at polio, na parehong maiiwasan sa pamamagitan ng mga bakuna.
Dagdag pa nito na target ng kanilang organisasyon na maabot ng pagbabakuna ang hanggang siyamnapu’t limang porsyento ng mga bata sa Dagupan na maaari nang mabakunahan.
Bilang tugon naman, naghayag ng pagsuporta si Mayor Lim sa programa ng WHO at sa katunayan, sakali mang maging mas maayos na ang sitwasyon kaugnay ng COVID-19 Pandemic, pinaplano na nitong isama sa Pandaragupan ang vaccination campaign ng World Health Organization.
Magaganap naman ang unang bugso ng vaccination drive mula October 26 hanggang November 25 ngayong taon. (with reports from: Bombo Lyme Perez)