Mas matindi ang kasalukuyang sitwasyon ngayon sa Israel kumpara sa mga nakaraang taon.

Yan ang ibinahagi ni Willy Austria Aranda – Bombo International News Correspondent sa nasabing bansa sa gitna ng nagpapatuloy na tensyon at kaguluhan sa rehiyon.

Ayon kay Aranda, halos apat na taon nang naninirahan sa Israel, hindi na bago sa kanya ang ganitong sitwasyon.

--Ads--

Aniya, pang-apat na digmaan na ang kanyang nasaksihan mula nang dumating siya noong 2022.

Gayunpaman, inilarawan niya na mas matindi ang kasalukuyang sitwasyon kumpara sa mga nakaraang taon.

Mas malalakas ang mga bomba ngayon at hindi na lang ito pangkaraniwang missiles—may mga galing na rin sa Lebanon at suportado ng Iran.

Dagdag pa niya, ilan sa mga ito ay tinatawag na “cluster missiles” na mas mapaminsala at may kakayahang makalusot sa depensa ng bansa.

Dagdag pa niya, malalaki at sapat ang mga bomb shelters sa bansa, kaya’t kahit sa gitna ng panganib ay may seguridad na nararamdaman ang mga mamamayan, kabilang ang mga dayuhang manggagawa.

Sa kabila ng sitwasyon, patuloy pa rin ang pang-araw-araw na pamumuhay, bagamat may kaunting pagbabago sa routine.

Kabilang sa mga naapektuhan ang sektor ng turismo, lalo na ang mga manggagawa sa hotel dahil sa pagsasara ng paliparan at kakulangan ng turista.

Samantala, binanggit din ni Aranda na may tulong na ibinibigay ang embahada ng Pilipinas sa mga apektadong overseas Filipino workers (OFWs), kabilang ang pinansyal na suporta at pagbisita sa mga lugar na may pangangailangan.